Eksena

Magtatagpo tayo sa kanto ng madilim na kalsadang pinaka malapit
sa inyong apartment, banda sa unang kanan mula sa magkatapat
na Shell at Petron, di gaanong nalalayo mula sa simbahan
at 7-Eleven. Sa huling kinse minutos bago mag-ala-una.
Gusto sana kitang sabihang kaunti lang ang aking oras,
marami pa akong kailangang tapusin, ngunit biglang magpapalit
ang ilaw ng trapik at ngingitian kita sa iyong paglapit.

Pag-akyat ng hagdan, susulyapan ako ng nakabantay na sekyu.
Pipindutin ko ang elebador at tuluyang mag-iinit ang kanina pa
pinihit. Dadaan tayo sa pasilyo ng magkakamukhang pinto.
Minsan, di ko maaalala ang iyong pangngalan, ang kalye lamang
at kung paano makarating sa iyong kuwartong inuupahan.

Namumugto lagi ang bumbilyang kailangan nang palitan. Sa loob ng silid,
nakahilera ang mga sapatos. Iba-iba ang sukat. May tatlong kutson
sa sahig at may dalawang double-deck: higit na sapat sa kalahating
oras ng pakikipagtalik na mahuhugasan ng shampoo sa sachet at sabong
buy one, take three. Kapag naisuot na ulit ang parehong damit,
aabután mo ako ng isang baso ng tubig at tatanungin, tulad ng dati,
Nag-enjoy ka rin ba? at ang isasagot ko uli, habang nakatitig
sa labas ng bintana, Matagal na ba kayong dito nakatira?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *