Category: Pag-ibig at Pananalig

Eksena

Magtatagpo tayo sa kanto ng madilim na kalsadang pinaka malapit
sa inyong apartment, banda sa unang kanan mula sa magkatapat
na Shell at Petron, di gaanong nalalayo mula sa simbahan
at 7-Eleven. Sa huling kinse minutos bago mag-ala-una.
Gusto sana kitang sabihang kaunti lang ang aking oras,
marami pa akong kailangang tapusin, ngunit biglang magpapalit
ang ilaw ng trapik at ngingitian kita sa iyong paglapit.

Pag-akyat ng hagdan, susulyapan ako ng nakabantay na sekyu.
Pipindutin ko ang elebador at tuluyang mag-iinit ang kanina pa
pinihit. Dadaan tayo sa pasilyo ng magkakamukhang pinto.
Minsan, di ko maaalala ang iyong pangngalan, ang kalye lamang
at kung paano makarating sa iyong kuwartong inuupahan.

Namumugto lagi ang bumbilyang kailangan nang palitan. Sa loob ng silid,
nakahilera ang mga sapatos. Iba-iba ang sukat. May tatlong kutson
sa sahig at may dalawang double-deck: higit na sapat sa kalahating
oras ng pakikipagtalik na mahuhugasan ng shampoo sa sachet at sabong
buy one, take three. Kapag naisuot na ulit ang parehong damit,
aabután mo ako ng isang baso ng tubig at tatanungin, tulad ng dati,
Nag-enjoy ka rin ba? at ang isasagot ko uli, habang nakatitig
sa labas ng bintana, Matagal na ba kayong dito nakatira?

Bushfire sa Australia

Sa lubha ng init, unang nagliyab ang tuyong damo. Walang katabing panggatong
sa alikabok. Ngunit kusang nabuo ang dila ng apoy nang naibigkas ng araw
ang sumasayaw na salita ng kanyang deliryo sa nakasabit na dahon. Kinain pati
ang nangangating sanga, ang balîng braso, balikat, hanggang ulo ng maliit na punò.
Nagkabaga at puso ang gútom at lungkot galing desyerto. Inilugay ang buhok galing
sa puyó. Gumapang ang nagliliyab na ahas hanggang natutong mangusap.

Katawan ng Liwanag

Mata

Maghapon sa isang sulok ng silid: malalagas ang dahon ng sampalok,
lulusot ang silahis sa salamin. Lumulubog ang araw sa laot, lumilipad
ang kalapati pauwi. Nananatili ang iyong tingin kahit sa pagdilim
ng tubig, kahit sa kinang ng luhang sinlaki ng dagat pagpikit.

 

Noo

Walang sinlawak ang abot-tanaw ng pamamaalam at ang pinaka huling bakas
ay tatak ng labì sa balat, nananatili tulad ng lamlam ng lampara sa gunita,
init sa ilalim ng kubrekama. Magkasabay nating tiningala ang langit.
Sa isang haplos, napawi ang mga ulap. Nagsanib ang ating panganorin.

 

Pisngi

Nauunang sumikat ang liwanag sa iyong mukha. Bumabangon
ang parang sa huni ng maryakapra. Hinahaplos ng hangin ang inaantok
na damuhan. Kulay kalimbahin ang langit na unti-unting lumalawak
at umiinit. Mamumula ang bakas ng halik bago sumilay ang ngiti.

 

Tainga

Kung alam ko sana ang sasabihin para matawid ang dilim sa pagitan
natin. Walang laman ang katahimikan tulad ng mabatong dalampasigan:
bagong káti, nagkalat ang basag na korales. Sisiksik ako sa iyong tabi,
ngunit lalo kang lalayo sa aking piling. Nalulusaw ang bulong sa buhangin.

 

Labì

Magkasunod ang kidlat at kulog, ang paghiwa at panginginig.
Pagbiyak natin ng talaba, kakagatin ang laman, masusugatan. Nagliliyab
ang bugambilya sa pugad ng tinik, ngunit di natutupok ang bulaklak.
Walang dumadanak kahit anong talas ng ating paglalambing.

 

Leeg

Humihimbing ang hardin. Dumudulas ang dila sa pawis. Lumalalim ang hininga,
humihigpit ang kapit. Pagpikit, guguhit sa balat ang kidlat. Sisikip ang yakap ng dilim
at langit. Didiin bago maglaho ang hiwa ng buwan. Namumuo sa lupa ang di makasingaw
na alimuom. Humihigop, humuhugot ang mga halik. Dumadaloy sa salamin ang tubig.

 

Likod

Walang pakpak ang iyong mga hilik na naririnig mula sa aking panig
ng kutson. Walang takas ang anumang natitirang galit sa aking dibdib na ilalapat
sa iyong balat. Iisa ang ating anino sa silid, iisa ang puder ng pintig.
Nakadantay ang panunggab at pananggalang na biyas at bisig. Sa’yo nagpadaig.

Tsubibo

Umangkas tayo sa tsubibong hugis pugita
matapos ng apat o lima pang sakay na lumusong
sa kuweba, gumulong parang bisikleta, at bumulusok
mula sa tuktok ng burol. Umikot at uminog
ang tsubibo tulad ng turumpong patuloy
na pumipihit. Nakapakò ang ating titig sa isa’t isa.
Habang lumulubog at pumapaibabaw ang sasakyan,
kumikinang at pumupusyaw ang mga araw
sa iyong mga mata, sintingkad ng etiketa.

Pagbaba, umiikot pa rin ang perya, ang mga tao,
pati ang nahanap nating upuan. Sabay tayong
napaduwal, nalasahan ang pinagsaluhang
hapunan. Ngunit pagtayo at pagpunas ng panyo,
ayaw matanggal ang asim sa aking lalamunan.
Sumabit ang galamay ng asido. Patuloy na sinusunog
ng mga bituin ang dilim. Hindi ko alam kung iyon
ang huling gabing nagningning ang iyong pagtingin.

Ondoy

Umiikot ang bentilador sa restawran sa ibaba.
Dumaraan ang mga tao, pinapanood ng mga naghahapunan.
Lumipas na ang tag-ulan. Napagmamasdan ko na ngayon
ang paglampas ng oras: ang pila sa pelikula, ang mga sandali
bago ng palabas. Ngunit bumabalik pa rin ang eksena
ng humahampas na bagyo, ang ating mga pisnging
naaampiyasan. Ang pagmasid nang hubad mula sa balkonahe,
mula sa kama, mula sa kotseng muntik nang tumirik sa bahâ.

Nagbubulatlat ako ng diyaryo tuwing umaahon ang umaga.
Hinihintay pumatak lahat ng kape sa salaan, mag-isang
humaharap sa hapag. Walang ulap ang liwanag
ngunit di ko na maiguhit ang mga linya ng iyong mukha,
di na mabása tulad ng mga librong tinigmak ng putik –
tinatago-tago at ayaw ibilad. Ayaw itapon kahit di na maisasalba.
Lusaw ang mga pahina, nagkadikit-dikit ang mga pangungusap.
Di ko inasahang mahalin ka. Nahugasan na ang lagkit
sa aking kuwarto mula sa umapaw na tubig galing banyo,
ngunit di pa rin natutuyo ang ating damit, ang mga halik.
Ang luhang di ko mapunasan dahil nanatili sa dibdib.

Almusal

Umuusok ang kape at may ngiting arnibal
ang pankeyk sa plato. Maliliit ang aking hiwa
sa mala-únang pisngi ng gatas, itlog, at arina.
Tumutulo ang pulut-pukyutan mula sa tinidor.

Sinasabayan ko ng kagat sa longganisang
mamantika’t maalat ang bawat kimpal ng laman.
Pinapahiran ng mantekilya habang pinagmamasdan
ang mga bagong gising at pawisang nagdya-jogging.

Lumamlam na ang langit, kulay krema. Singgusot
ng kumot at kubrekama pagbangon natin kanina.
Pinagpag nang pinagpag ang telang may pinong burda
hanggang mawala ang lúkot ng pagkakayakap.

Pinulot ang biglang pinandirihang buhok sa punda.
Pagsintas mo ng sapatos, tinitigan ko ang kámang
unti-unting sinigaan ng araw. Ubos na ang sariwang-
pigâng dalanghita ngunit di nababawasan ang uhaw.

Ako at Ikaw

Binabaan mo ako ng telepono, sa pagkukunwari sa katabi mong nobyo na hindi ako ako. Na kaibigan ako ng kapatid mo, na dati akong bisita sa bahay ninyo. Iba ang iyong isinambit sa naisingit mong mga bulong: May tao dito… Binuksan at ibinagsak mo pa nga ang pinto para tanungin ang natutulog mong kapatid. Kahit ako akala ko ibang tao na rin ako. Nakisakay at ibinaba ang telepono sa ikalawa kong tawag. Nakisama sa mga anino sa aking kuwartong pinid ang bibig dahil walang nauunawaan, hindi alam kung paano sila naging anino, kung bakit pagbukas ng ilaw, bigla silang naglalaho.